ang salitang ‘kasing’ o ‘sing sa ingles ay ‘like’ o ‘as’
at ‘yan ang salitang paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko sa tuwing may makakasalamuha akong tao na mas matalino, mas maganda, o mas magaling sa akin. hindi magandang pakinggan, ‘di ba? hindi naman talaga kahit kailan naging maganda ang inggit. kapag nanonood ako ng mga pelikula o nakakasagap ng mga balita sa iba’t-ibang plataporma, malalaman ko na lamang na ang motibo ng mga kumikitil ng tao, kadugo man nya o kaibigan, o malapit man sa puso nya, ay selos o inggit. kaya, ang sinasabi ko sa sarili ko ay totoong nakakamatay nga ang inggit.
pero kung nakakamatay nga ang inggit, ilang beses na kaya akong namatay?
sa lahat ng aking saloobin, ito ang pinakaayaw kong inaamin sa sarili ko. lumaki akong laging nasasabitan ng medalya, lumaki ako sa mga puri ng mga tao sa paligid ko. sa tuwing matatapos ang mga pagsusulit o ilalabas na ang aming mga grado sa paaralan, hindi na bago sa akin ang mga salitang “ang talino mo naman!” o ‘di kaya “ang galing mo naman!”
ngunit ngayon na mas lumawak na ang mundo ko at mas marami na akong nakilalang tao, naririnig ko pa rin naman ang mga katagang ito, ngunit hindi na para sa akin—para na sa ibang tao.
“syempre, pasado na ‘yan!”
“ang galing mo talaga!”
ako ba, hindi?
hindi na ba? o hindi talaga?
siguro nga, masyado akong nasanay. siguro nga, kinulong ko ang sarili ko sa mga paglalarawan nila sa akin, kaya ngayon na hindi na ako nasasabihan ng ganyan, tila hinahanap-hanap siya ng tainga ko. kung hindi ako matalino at magaling, sino ako?
sino ako kapag wala na ang mga medalya?
sino ako kapag hindi ako nakakuha ng 97?
sino ako kapag hindi ako ang top 1 sa klase?
sino ako kapag hindi ako magna cum laude?
kung wala akong talento, tapos hindi pa ako matalino, kilala niyo pa ba ako?
hangga’t maaari ay ayaw ko itong nararamdaman, pero hindi ko maiwasang masaktan at mangulila sa pagkatao ko noon sa tuwing kasama ko ang kaibigan ko na siyang napupuri at ako ay parang hangin lamang.
nakakamatay nga talaga ang inggit.
pero sa kabila ng ilang beses kong pagkamatay ay unti-unti kong binabangon ang sarili ko. unti-unti ko syang binubuhay na malaya sa mga pagkakakilala nila sa akin. matututunan ko ring mahalin ang aking sarili na hindi nakatali sa kung gaano ako katalino, gaano ako kagaling, o kung gaano ako katalentado. kasi kahit wala ang mga ‘yan, kahit nabubuhay lamang tayo at nakatayo sa sarili nating mga paa, karapat-dapat tayo.
saan mang lupalop ng mundo, mayroon at mayroong mas maganda, mas mabait, o mas matalino sa atin. ngunit hindi ito nakakabawas ng pagkatao—kasi kahit na at kahit pa, kahit may mas hihigit pa sa atin sa iba’t-ibang larangan, karapat-dapat tayong mahalin.
kaya sana, dumating ang araw na matutunan nating mahalin at tanggapin ang ating mga sarili kahit hindi tayo ang ‘pinaka’. dahil ang pinakamahalaga pa rin ay kung sino ba talaga tayo kapag mag-isa na lang tayo sa mga kuwarto natin. sino nga ba talaga tayo kung ibabaon natin sa limot pansamatala ang mga bansag nila sa atin?
ang sagot sa mga tanong na ‘yan ay ang siyang pinakamahalaga pa rin dahil ito ang sumisimbolo na ang bawat isa sa mundong ito ay bukod tangi at walang katulad.
at higit sa lahat, muli, karapat-dapat.





Hi gigi! Burnout ako ngayong g10, nasa star section ako right now and hindi mas'yadong maganda performance ko. Ang ganda ng piece mo, somehow it gives me comfort na hindi ko kailangan i pressure sarili ko para sa expectations ng iba and it reminds me that im worthy even when im just standing here;) Thank you for your piece, I also hope that my spark will comeback again and same to you stranger, that spark will always find its way back to us.
hi Gigi, random ko lang to napindot and I guess it really is for me—damang dama ko lahat ng mga salita mo. na para bang isinulat mo ito para sa akin. kasi naman, halos lahat tama—oo, inggit ako sa iba dahil alam kong dati ay kaya kong makipagsabayan sa kanila, inggit ako sa kaibigan ko kasi nakuha niya ang pwesto na siyang pinapangarap ko. mamamatay na ako sa inggit (sana) kung hindi ko lang nakita ang pyesa mo; it made me realize that—oo, mahal ko ang sarili ko… pero mas mahal ko ito pag magaling ako 🥹